Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms.Sheila Meru, LGU Link ng DSWD Region 2, isang Linggo na aniya silang nagbabahay-bahay para magvalidate sa mga miyembro kung sila ba ay karapat-dapat pa sa programa.
Sinabi nito na siyam na barangay na ang kanilang na-assess kung saan marami na silang natanggal sa listahan matapos na mapatunayan na hindi na sila pasok sa qualifications habang ang iba naman ay kusa nang nagpatanggal sa listahan.
Ilan naman sa mga kabilang sa listahan ay napag-alaman na wala na sa lugar kung kaya pansamantala munang itinigil ang pamimigay ng tulong sa naturang miyembro pero kung makabalik na ito sa lugar ay ia-update muli ang kanyang datos para maipagpatuloy ang pagtanggap ng cash aid.
Nilinaw ni Meru na pokus muna ngayon ang kanilang tanggapan sa validation at delisting sa mga 4Ps member bago ang pagtanggap ng mga bagong miyembro.
Paalala naman sa iba pang miyembro ng 4Ps na kung nakaangat na sa buhay o di kaya’y kaya nang mamuhay na hindi nakadepende sa tulong ng gobyerno ay maaari nang mag-waived para maibigay naman sa mga talagang mahihirap na pamilya na may mga pinapaaral na anak.
Ayon pa kay Meru ng 4Ps Cauayan, wala pa silang target na bilang kung ilan ang kanilang aalisin sa listahan kundi dipende na lamang sa kanilang magiging assessment kung pasok o tanggal ang miyembro sa 4Ps.
Mula sa mahigit kumulang tatlong libong kabilang sa listahan dito sa Lungsod, karamihan sa mga miyembro ay mula sa Brgy. District 1, San Fermin at Villa Concepcion.