Marawi City – Binuksan na ang Temporary Learning Spaces o TLS, o mas kilalang temporary school sa loob ng labing isang ektaryang temporary relocation site sa Barangay Sagonsongan, Marawi City.
Ito ay kasabay ng pagbukas ng klase sa buong bansa noong Lunes, Hunyo 4, para sa school year 2018-2019.
Gamit ang mga materyales gaya ng plywood, galvanized iron, mga kahoy at iba pa, na bigay ng Church of Jesus Christ of the Latter Day Saints, nakapagpatayo ng sampung duplex-type building na may dalawang classroom ang dating Marawi Central Elementary Pilot School o MCEPS.
Ito ang magiging temporaryong paaralan ng mga bata na galing sa mga barangay na nasa loob ng dating main battle ground o most affected area.
Ang MCEPS, na may mahigit dalawang libong estudyante noong hindi pa nagka-giyera, ay isa sa dalawampung paaralan sa loob ng most affected area na nasira dahil sa limang buwang sagupaan ng militar at mga terorista noong nakaraang taon.
Ang animnapu’t siyam na mga guro ng MCEPS ang magtuturo sa temporaryong paaralan nito ngayon sa Sagonsongan.
Ayon kay Hadja Ramla Paporo Radia, principal ng MCEPS, as of kahapon, Martes, Hunyo 5, mayroon na silang 1,069 na mga enrollees ngunit mahigit anim na raang mga bata pa lang ang pumasok simula noong Lunes.
Inaasahang pagkatapos ng Ramadan sa Hunyo 15, at sa pagbabalik ng klase sa Hunyo 18, dadagsa na ang maraming estudyante na galing sa ibang mga eskwelahan sa loob ng most affected area.