Tiwala si House Ways and Means Chairman Joey Salceda na maaari nang makabalik sa klase ang lahat ng mga paaralan sa Agosto o Setyembre.
Ito ay kasunod na rin ng matagumpay na pilot program para sa face-to-face classes ng Department of Education (DepEd) at ang pagtukoy sa gaps na dapat tugunan bago ang full implementation ng pagbabalik-eskwela.
Ilan sa mga hakbang para mas convenient at ligtas sa mga guro at estudyante ang balik-paaralan ay ang pagkakaloob ng shuttle services para sa mga guro na nakatira sa ibang siyudad o munisipalidad na malayo sa mga eskwelahang pinaglilingkuran.
Kailangan din aniyang bigyang-solusyon ang mga gurong may comorbidities gayundin ang sapat na learning materials sakaling ganap nang ibalik ang face-to-face classes.
Dinagdagan naman aniya ng Kongreso ang 2022 budget para sa learning materials kaya tiyak na may sapat na pondo para dito.
Kasabay pa nito ay pinaghahanda rin ni Salceda ang DepEd ng transition plan para sa susunod na administrasyon na naglalaman ng ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.