Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na umuwi na ng Pilipinas at hindi na daluhan ang mga aktibidad na may kinalaman sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Papua New Guinea.
Batay sa schedule ng Pangulo na ibinigay ng Malacañang, dadalo siya sa ilang mga aktibidad sa unang araw ng APEC Summit sa Sabado pero Linggo ng alas-3:00 ng madaling araw ay nasa Davao City na ito.
Ibig sabihin, lahat ng aktibidad sa APEC Summit sa ikalawang araw ay hindi na madadaluhan ng Pangulo kung saan kakatawan sa kaniya sa mga pulong si Trade Secretary Ramon Lopez.
Wala namang ibinibigay na dahilan ang Malacañang kung bakit maagang umuwi si Pangulong Duterte at hindi din naman daw ito magbibigay ng arrival statement pagdating ng Davao City.