Bamban Tarlac Mayor Alice Guo, pinasususpinde ng DILG sa Ombudsman

 

Inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Ombudsman na patawan ng preventive suspension si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, ito ay upang hindi maimpluwensyahan ang kanilang imbestigasyon at ng iba pang-ahensya ng gobyerno.

Matatandaang bumuo ng task force ang DILG para busisiin ang umano’y koneksyon ng alkalde sa mga ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.


Sinabi kamakailan ni Pangulong Bongbong Marcos na matagal-tagal na rin nilang iniimbestigahan si Guo dahil maraming pulitiko sa Tarlac ang hindi nakakakilala sa alkalde.

Una nang kinuwestiyon ni Senator Risa Hontiveros ang pagkatao ni Guo dahil sa kawalan nito ng public records at biglaang paglutang noong 2022 elections.

Hindi naman inaalis ni Senator Sherwin Gatchalian ang teoryang “tanim-tao” ng China si Guo para mapasok ang pulitika sa Pilipinas.

“Naririnig ko lang yan pero sa aming pagdinig, wala pa kaming ebidensya na mayroong ganyan pero hindi naman namin tinatanggal ‘yang anggulo na ‘yan,” saad ni Gatchalian.

“Unang-una, makikita naman natin na napakalaki ng pera na umiikot dito sa POGO at para makakuha sila ng proteksyon, ang aking personal na teorya, nagpapatakbo sila ng mga kandidato para maproteksyunan sila.”

“Kaya hindi malayo na itong mga POGO, natututo na magpatakbo ng kandidato at ‘yan ang nakakatakot dahil ang mga POGO nakakapasok na ngayon sa sistema ng pulitika natin,” dagdag pa ng Senador.

Facebook Comments