Ilagan, Isabela – Walong araw na lamang at gaganapin na ang pinakahihintay na Bambanti Festival sa Lalawigan ng Isabela.
Sa countdown ng Isabela Information Office ay ilang tulog na lamang ay magsisimula na ang naturang pagdiriwang.
Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Ginoong Jessie James Geronimo, ang Information Officer ng Isabela Provincial Information Office, ang paparating na taunang pagdiriwang ay bubuksan ng isang banal na misa sa araw ng Lunes, Enero 22, 2018.
Ang pagbubukas ng kapistahan ay siya ring pagbubukas ng Bambanti Village na isang Agro-Industrial Eco-tourism Fair na lalahukan ng mga lokal na pamahalaan ng lalawigan.
Dito makakabili ang mga bisita ng mga produkto at kalakal na gawang Isabela.
Ang Bambanti Festival ay hango sa lokal na katagang “Bambanti” na ang ibig sabihin ay “scarecrow” na siyang ginagamit ng mga magsasaka na panakot sa mga ibong nanginginain ng mga palay sa mga bukirin.
Sa pagpapaliwanag ng Isabela Provincial Information Office, ang Bambanti Festival ay simbolo sa kaloob na biyaya ng kabukiran, katatagan, pagiging mapagpursige, kasipagan at determinasyon ng mga Isabelino sa likod ng mga pagsubok sa buhay. Kumakatawan din ito sa kahandaan ng lalawigan sa mga nais mamuhunan sa probinsiya.
Maliban sa Agro-Industrial Eco-Tourism Fair ay may mga iba pang aktibidad at programa na nakahanay sa 2018 Bambanti Festival.