Pina-re-reevaluate ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. ang pag-ban sa government spending tuwing panahon ng eleksyon.
Ayon kay Garbin, hindi dapat madiskaril ang mga proyekto at programa na tapos nang sumailalim sa proseso at inilalatag na dahil lamang sa election ban.
Kadalasan aniyang inilalabas ng Department of Budget and Management ang pondo sa first quarter ng taon para maipatupad sa second quarter subalit sa ganitong panahon din nag-uumpisa ang spending ban.
Giit ni Garbin, tila sinasabotahe ng polisiya ang mga proyekto na nagpapalago sa ekonomiya ng bansa kaya marapat lamang na mai-evaluate ang ban sa government spending upang hindi apektado ang mga nabibinbin na proyekto.
Mababatid na nakasaad sa Omnibus Election Code ang pagbabawal sa gobyerno na maglabas ng pondo at materyales para sa public works sa loob ng apatnapu’t limang araw bago ang eleksyon.
Pero ipinaliwanag ng COMELEC na ikinokonsidera nila ang hiling ng Malacañang na ma-exempt ang mga proyektong nasimulan na pati na ang soft projects na may humanitarian reasons.