Sinusuportahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang banat ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Facebook.
Matatandaang kagabi sa pahayag ng Pangulo, kinuwestyon niya ang silbi ng Facebook sa bansa matapos na alisin nito ang ilang mga account ng gobyerno na nagsusulong umano ng kabutihan para sa publiko.
Ayon kay AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, itinuturing nila ang Facebook at iba pang social media platforms bilang paraan para magpakalat ng makatotohanang impormasyon para mamulat ang publiko sa panlilinlang ng CPP-NPA.
Aniya, makakatulong ang social media para mapagkaisa ang sambayanan kasama ang AFP kontra sa mga kalaban ng estado.
Ayon kay Arevalo, suportado nila ang panawagan ng Pangulo na mag-usap ang gobyerno at Facebook executives kung paano makakabenepisyo ang mga Pilipino sa popularity ng Facebook.
Una nang nakipag-usap si AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay sa mga opisyal ng Facebook Philippines para ibalik ang site ng “Hands Off Our Children”.
Pero sinabi ng Facebook na walang proseso para ibalik ang mga sites na ipinasara nila.
Ang “Hands Off Our Children” site ay nagtatampok umano ng mga lehitimong karanasan ng mga magulang na may mga nawawalang anak matapos na mahikayat ng NPA na mamundok.
Isa ito sa mahigit 150 sites na ipinasara ng Facebook dahil umano sa “coordinated inauthentic behavior”.