Cauayan City, Isabela- Nagkasundo ang dalawang panig na ipaaayos nalang ang mga sira ng kani-kanilang sasakyan matapos masangkot sa banggaan ang kanilang minamanehong truck at SUV dakong alas-7:00 kagabi sa kahabaan ng Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela.
Sa paunang imbestigasyon ng PNP, minamaneho ng nagngangalang Armando Osaita, tubong Misamis Oriental ang truck habang nakilala naman ang drayber ng Pajero na si Jayson Labuguen na residente ng Barangay Cabugao sa nasabing lungsod.
Ayon pa sa pagsisiyasat ng imbestigador, nasa impluwensya umano ng nakalalasing na inumin si Labuguen ng mangyari ang pagsalpok ng kanyang sasakyan.
Galing umano sa bayan ng Angadanan si Labuguen at mabilis umano ang pagmamaneho nito na sinasabing umagaw umano ng linya kung kaya’t sumalpok sa harapang bahagi ng truck.
Sa kabila nito, maswerte pa rin na hindi matindi ang tinamong sugat ng magkabilang panig maliban na lamang kay Labuguen na iniinda ang pananakit ng batok.
Sa ngayon ay nasa pribadong hospital ang magkabilang kampo na patuloy na nagpapagaling pero ayon umano sa mga sumuring doktor ay ligtas na sa kapahamakan ang mga sangkot sa aksidente.
Nabatid na wala umanong lisensya si Labuguen habang ang drayber ng truck ay kumpleto sa kaukulang dokumento.