San Agustin, Isabela – Sugatan ang apat na magsasaka kahapon matapos na matumbok ng rumaragasang van ang kanilang sinasakyang kulong-kulong sa National Highway ng Purok 3, Brgy. Nemmatan, San Agustin, Isabela.
Sa ibinahaging impormasyon ng PNP San Agustin, kinilala ang drayber ng Hyundai Starex na si Victor Reyes Abarra, apatnapu’t pitong taong gulang, may asawa, isang magsasaka at residente ng Purok 4, Brgy. Masaya Norte, San Agustin, Isabela.
Habang ang mga biktima na sugatan ay sina Jelson Agustin Andres, tatlumpu’t anim na taong gulang, drayber ng kulong-kulong; Romnick Santos Mateo, binata; Sammy Agustin Vidad, nasa tamang edad, may asawa, at Rolando Javar Dulay, nasa tamang edad, may asawa, at pawang mga magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon ng PNP San Agustin, bumabaybay umano ang van patungong north direction na papuntang Jones Isabela at pagdating sa pinangyarihan ng insidente ay bigla umanong sumulpot ang kulong-kulong mula sa barangay road na sanhi naman ng pagkakabangga nito.
Sa resulta ay nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na kaagad namang nirespondehan ng Rescue ng San Agustin at Jones kung saan ay itinakbo sa pinakamalapit na ospital para sa kanilang karampatang lunas.
Dinala na sa himpilan ng PNP San Agustin ang dalawang sasakyan para sa karagdagang imbestigasyon.