Bangkay ng 6-anyos Pinay na biktima ng ‘serial killer’ sa Cyprus, narekober

477
Courtesy: AP

Natagpuan na ng mga awtoridad ang pinaniniwalang mga labi ng 6-anyos na Pilipina, na pang-pito at huling biktima ng hinihinalang serial killer sa Cyprus.

Ayon sa pulisya, nabubulok na ang bangkay na pinaniniwalaang kay Sierra Graze, 6, nang makita ito sa isang lawa sa Xyliatos.


Ibinalot umano sa carpet ang biktima at tinalian ng isang bloke ng semento.

Si Sierra Graze ang anak ni Mary Rose Tiburcio na kauna-unahang biktimang natagpuan noong April 14.

Sabay naiulat na nawawala ang mag-ina noong Mayo nakaraang taon.

Matatandaang umamin ang isang 35-anyos na Greek Cypriot army officer sa sunud-sunod na pagpatay ng limang babaeng foreigner at dalawang anak ng mga ito.

Kamakailan lang din nang marekober sa ilalim din ng lawa, ang mga labing nakasilid sa maleta ng isa pang biktimang Pinay, ikatlo sa pito, na si Maricar Valdez.

Sinibak naman sa puwesto ang police chief at nag-resign ang justice minister sa bansa dahil sa kakulangan sa imbestigasyon kaugnay ng mga nawawalang biktima.

Nauna nang narekober ng awtoridad ang mga bangkay ng anim pang biktima, tatlo rito pare-parehong nakasilid sa maleta.

Facebook Comments

From Advertisers