Maconacon, Isabela – Natagpuan ang isang bangkay ng babae pasado ala una kahapon sa Barangay Diana, Maconacon, Isabela matapos na mawala ng dalawang araw.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay SPO3 Ariel Palma, ang imbestigador ng Maconacon Police Station, aniya ang bangkay ay kinilala na si Rosemarie Gonzales alyas “Maling” ,isang dumagat, nasa mahigit apatnapung taong gulang at residente ng Sitio Dibol, Barangay Aplaya, Maconacon, Isabela.
Ayon pa kay SPO3 Palma, nagsadya sa kanilang himpilan si Remie Cabaldo dahil sa nakitang bangkay malapit sa tabi ng dagat habang inaayos ang kanyang motor na nasiraan sa naturang lugar.
Sa pagsisiyasat naman ng doctor sa Rural Health Unit ng lugar ay mayroon umanong palo sa mukha ang bangkay.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Palma sa pamilya ni Rosemarie ay umalis umano ng madaling araw nitong May 25 kasama sina Dionita Velasco at isang nagngangalang Lokdong ngunit bumalik sa lugar sina Dionita at lokdong na hindi na kasama si Rosemarie at hindi umano alam kung saan pumunta habang bumibili sila ng nilagang saging sa Barangay Aplaya, Maconacon, Isabela.
Kaugnay nito kinuha ng pamilya ang bangkay at inilibing agad dahil sa nangangamoy na ito, samantalang pinaghahanap ng kapulisan sina Dionita at Lokdong na umanoy umalis sa lugar upang hanapin si Rosemarie.