Bangkay ng isa sa Apat na Sundalo na Napatay sa Sulu, Dumating na sa Kalinga

Cauayan City, Isabela- Binigyan ng military honor ng kanyang mga kapwa sundalo ng dumating sa Tuguegarao City Domestic Airport sakay ng eroplano ng Philippine Air Force ang labi ng 39-anyos na si Army Major Marvin Indammog na isa sa apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu.

Sinalubong naman ng kanyang pamilya at mga kaanak ang pagdating ng bangkay ni major indammog sa tanggapan ng 503rd Battalion sa Kalanan, Kalinga at bakas ang lungkot sa mga ito dahil sa sinapit ng kanilang mahal sa buhay.

Ayon kay Army Major Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, nakikiramay ang kanilang pwersa sa pagpanaw ni Indammog at inihahanda na ngayon ang mga benepisyo na tatanggapin ng naulilang pamilya ng napatay na sundalo sa Sulu.


Kabilang din sa apat na napatay ng mga pulis noong June 29 sina Captain Irwin Managuelod, Sergeant Jaime Velasco,at Corporal Abdal Asula ng Philippine Army.

Nagpaabot na rin ng pakikiramay ang Lokal na Pamahalaan sa Probinsya ng Kalinga.

Si Army Major Marvin Indammog ay full- blooded Igorot warrior na tubong Tanudan, Kalinga at kabilang sa PMA Class 2006 at siya ay Commanding Officer ng 9th Intelligence Service ng Philippine Army.

Facebook Comments