Isang Magsasaka sa Echague, Isabela, Patay sa Umano’y Pamamaril!

176

Echague, Isabela – Natagpuang patay ang isang magsasaka habang sugatan ang isang kasama nito pasado alas kwatro ng madaling araw partikular sa Sitio Danak, Brgy. Dammang East, Echague, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Armando Valeroso Ramos,45 anyos residente ng Brgy. Quezon, San Isidro, Isabela habang ang sugatan ay si Dante Garingan Jamarillo, 35 anyos, residente naman ng nasabing barangay.

Batay sa inisyal na imbestigasyon PNP Echague, bago umano nangyari ang insidente ay nakita ng mga brgy tanod na nag-iinuman ang dalawa sa isang kubo at kalaunan ay may narinig silang tatlong putok ng baril.

Sa pagresponde ng mga otoridad sa lugar na pinangyarihan ng insidente kasama ang Soco Team ay natagpuan si Ramos na wala ng buhay habang sugatan naman ang kainuman nito na si Jamarillo.

Napag-alaman rin ng mga otoridad na wala umanong nakitang ibang tao o narinig na mga sasakyan mula sa pinangyarihan ng insidente.

Dinala na sa isang punirarya si Ramos habang nasa pagamutan naman si Jamarillo para sa kanyang karampatang lunas.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Echague hinggil sa naturang pangyayari bukod sa kanilang tinitignang motibo na love triangle ang nasa likod ng pagkamatay ng biktima.

Facebook Comments