Bangkay ng Isang Menor De Edad na Isinilid sa Sementeryo, Narekober! Suspek sa Pagpatay, Arestado!

Santiago City, Isabela- Hawak na ng PNP Station 2 Santiago City ang salarin sa pagpaslang sa isang menor de edad na isinilid sa kuwadrado ng sementeryo pasado alas onse ng umaga ngayong araw, Marso 23, 2018 sa Calaocan, Santiago City, Isabela.

Ang suspek ay kinilalang si Jose Mundo, 32 anyos, isang mangangalakal at residente ng Ulangon, Nueva Icija habang ang biktima naman ay kinilalang si Jesica Laureta, 17 anyos, mangangalakal at residente ng Dibul, Saguday, Quirino.

Batay sa eksklusibong pagtutok ng RMN Cauayan News sa insidente, kwento ng isang ginang na kakilala ng biktima, na biyernes (Marso 16, 2018) niya huling nakita si Jesica at hindi na niya ito nakita ng sumunod na araw.


Aniya, napadaan umano sa sementeryo ang kanyang anak kasama ang dalawang kaibigan nang may naamoy na mabaho malapit sa kanilang kinatatayuan kaya’t agad na tinungo ang kuwadrado ng museleo at doon nakita ang naaagnas nang katawan ng biktima na agad nilang isinumbong sa kanya.

Ayon naman sa salaysay ng isa pang nakakakilala sa biktima na itinago sa pangalang “Joan”, may relasyon umano sina Jose at Jesica at nagsasama sa isang silid ng museleo at naikwento pa umano ng biktima sa kanya na lagi siyang sinasaktan at binubugbog ng kinakasama.

Aminado naman ang suspek sa ginawang pagpatay kay Jesica subalit itinangging sinasaktan at may relasyon sila nito.

Aniya, biyernes ng gabi (Marso 16, 2018) nang paslangin niya si Jesica dahil umano sa kanyang kakulitan kaya’t nagawa niyang patayin habang ito ay natutulog gamit ang malaking tipak ng semento na ipinukpok sa ulo ng biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay at agad ding umalis sa sementeryo matapos nitong ilagay sa kuwadrado ang katawan ni Jesica.

Dinala na sa La familia Memorial Services ang bangkay ng biktima para sa autopsya habang patuloy naman sa imbestigasyon ang pulisya at inihahanda na ang kasong Murder laban sa suspek.

Facebook Comments