Bangkay ng Isang Rebelde, Natagpuan ng Militar; Kampo, Nakubkob sa Panibagong Sagupaan sa Kalinga

132

Cauayan City, Isabela- Isang bangkay ng rebelde ang natagpuan ng militar na iniwan ng kanyang mga kasamahan matapos makubkob ang kampo ng mga nakasagupang New People’s Army (NPA) sa Sitio Babacong, Barangay Gawa-an, Balbalan, Kalinga kahapon, Marso 15, 2021.

Kasama rin sa narekober ng tropa ng 50th Infantry Battalion sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang baril na posibleng naiwan ng rebeldeng grupo.

Una rito, nagpapatrolya ang mga kasundaluhan sa nasabing lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente nang paputukan sila ng humigit kumulang dalawampung (20) mga miyembro ng rebeldeng grupo na pinamumunuan ng isang alyas Mio ng Platoon Guevara, Komiteng Larangan Baggas ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC).


Makalipas ang ilang minutong palitan ng putok ng baril, nagkawatak-watak na ang mga nakasagupang rebelde at iniwan ang bangkay ng kanilang kasamahan na nakilalang si Rudy Daguitan alyas ‘Pinpin’ na may posisyong Political Officer/Political Instructor ng KLG Baggas, ICRC.

Patuloy naman ang clearing operations ng kasundaluhan sa mga posibleng daanan ng mga umatras na nakasagupang grupo ng NPA.

Facebook Comments