Bangkay ng Lalaki na may Tama ng Bala ng Baril, Natagpuan sa Liblib na Lugar!

Cauayan City, Isabela- Isang bangkay ng lalaki na may tama ng bala ng baril sa ulo at kamay ang natagpuan ng mga residente sa Sitio Pinukuk, Barangay Malabbac, Iguig, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nakilala ang biktima na si Joseph Cuntapay, 56 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Barangay Redondo, Iguig, Cagayan.

Una rito, nakatanggap ng tawag mula sa Barangay Kapitan ng Malabbac ang Iguig Police Station na may nakitang bangkay ang kanyang mga kabarangay sa kanilang lugar na tatlong kilometro ang layo mula sa pambansang lansangan.


Nang magtungo ang mga pulis upang beripikahin ang natanggap na ulat ay natagpuan ang nakahandusay na katawan ng lalaki na malapit sa bukid.

Nabatid na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at kamay ang biktima,  may mga sugat at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Narekober din sa lugar ang isang basyo ng Caliber 45 na baril na nasa pitong (7) metrong layo mula sa bangkay ng biktima.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng otoridad sa insidente ng pamamaril habang dinala naman sa punerarya ang bangkay ng biktima para sa Post Mortem examination.

Sa pinakahuling panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa pulisya ay mayroon na silang tintignang anggulo sa motibo ng pamamaril base na rin sa mga nakitang conversation sa cellphone na narekober mula sa biktima.

Facebook Comments