Natagpuan ang bangkay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa dalampasigan ng Barangay Laois, Labrador, Pangasinan bandang alas-5:30 ng hapon, Enero 7, 2026.
Ayon sa ulat, nadiskubre ang naaagnas na katawan matapos mapansin ng isang 22-anyos na college student mula Bugallon ang masangsang na amoy habang nasa tabing-dagat.
Agad niyang iniulat ang insidente sa mga opisyal ng barangay.
Inilarawan ang biktima bilang may katamtamang pangangatawan, tinatayang may taas na lima hanggang pitong talampakan, nakasuot ng itim na T-shirt at walang suot na pang-ibaba.
Mayroon din itong berdeng tattoo na hugis rosas sa kaliwang balikat at maliit na tattoo sa kaliwang kamay.
Nakipag-ugnayan ang Labrador Police Station sa Municipal Health Officer ng Rural Health Unit ng Labrador para sa pagsasagawa ng post-mortem examination.
Sa kasalukuyan, ang bangkay ay nakalagak sa isang punerarya sa Barangay San Jose, Labrador.
Humiling ang pulisya ng paglalabas ng flash alarm sa lahat ng himpilan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasabing bangkay.









