Bangkay ng Lalaki, Natagpuan sa Ilog sa City of Ilagan

Cauayan City, Isabela- Nananatiling hindi pa nakikilala ang bangkay ng isang lalaki na natagpuan sa ilog sa bahagi ng barangay Fugu, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt Col. Virgilio Vi-Con Abellera, hepe ng Ilagan City Police Station, nakatanggap ng tawag ang kanilang himpilan mula sa isang concerned citizen na mayroon umano silang nakitang bangkay ng lalaki sa ilog Pinacanauan.

Agad na bineripika ng kapulisan ang natanggap na impormasyon kung saan naabutan ang walang saplot na bangkay ng lalaki na bahagyang lumobo ang katawan.


Ayon sa hepe, posibleng nalunod ang biktima na sanhi ng kanyang pagkamatay dahil base sa kanilang pagsusuri ay walang nakitang anumang sugat o senyales na pinatay ito at itinapon sa ilog.

Tinatayang may taas na 5’5” hanggang 5’6” ang natagpuang bangkay at nasa edad na 30 taong gulang pataas.

Kasalukuyan pa rin tinutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at nananawagan rin ang pulisya sa mga nawawalan ng kamag-anak na makipag-ugnayan lamang sa kanilang himpilan.



Facebook Comments