Bangkay ng Lalaking Isinilid sa Drum na Itinapon sa Ilog sa Cagayan, Nakilala na

Cauayan City, Isabela- Natukoy na ang pagkakakilanlan ng isang bangkay ng lalaki na natagpuang nakasilid sa drum at palutang-lutang sa ilog sa bahagi ng bayan ng Solana sa Cagayan.

Kinilala mismo ng nakatatandang kapatid ang biktima na si Rowel S. Unabia, 32 taong gulang, may asawa at dating seaman.

Ayon sa kuya ng biktima na si Melvin, kanyang sinabi na ang kanilang kapatid ay may sakit sa pag-iisip mula pa noong ito ay 19 na taong gulang.


Kapag sinusumpong umano ng sakit ang biktima ay gumagala ito sa Cabagan, San Pablo at Sta. Maria sa Isabela.

May record din umano ang biktima ng mga kaso ng pagnanakaw ng motor sa bayan ng Cabagan at San Pablo sa Isabela.

Nagwawala din umano ang nasabing biktima at naghahamon ng away sa mga taong nakakasalubong nito.

Huli umanong nagkita ang magkapatid nito lamang Nobyembre-16 nang magtungo ito sa opisina ng PAO.

Lumabas naman sa imbestigasyon ng medico-legal at kapulisan ng PNP Solana, may nakitang isang tama ng bala sa likod ng katawan na naging dahilan ng pagkamatay ng biktima at nakitaan din ng mga sugat ang ulo nito.

Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang salarin at motibo sa pagpaslang sa biktima.

Facebook Comments