Cauayan City, Isabela- Inaalam na ngayon ng pamunuan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 kung may mga OFWs mula sa rehiyon ang naitalang pumanaw dahil sa coronavirus.
Ito ay sa kabila ng pinapayagan na ang pagpapauwi sa mga bangkay ng mga OFWs mula sa mga bansang apektado ng virus.
Ayon kay OIC Director Luzviminda Tumaliuan, OWWA-RO2, nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang ahensya sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa nasabing usapin.
Samantala, nilinaw naman ng opisyal na ang pagpapauwi sa mga OFWs sa rehiyon ay dumaan sa health protocol gaya ng pagsasailalim sa 14-days quarantine at makuhanan ng specimen sample para sa swab testing.
Batid ng opisyal kung gaano kahalaga para sa isang OFWs ang makapiling ang kani-kanilang mahal sa buhay subalit isaalang-alang din aniya na sundin ang ilang safety measures gaya ng pag-iwas sa pakikisalamuha sa pamilya sakaling mabigyan man ng clearance ang mga ito na nagsasabing maaari na silang makauwi sa kanilang pamilya kahit na negatibo sa resulta ng swab test.
Sa ngayon ay pansamantala munang itinigil ng ahensya ang pagpapauwi sa mga manggagawa dahil sa kakulangan ng taong mangangasiwa sa kanila kaya’t ang central office nalang ang umaasikaso sa ngayon sa kanilang pag-uwi.
Tiniyak naman ng OWWA na mananatili ang koordinasyon sa lahat ng LGUs para matiyak ang kapakanan ng iba pa.