BANGON MARAWI | Ayuda ng pamahalaan sa Marawi, tuloy tuloy pa rin

Manila, Philippines – Tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga residenteng naapektuhan ng giyera sa Marawi City.

Sa press briefing ng Task Force Bangon Marawi sa Iligan City, inisa-isa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mga development sa ginagawang rehabilitasyon sa siyudad.

Ayon sa Presidential Communications Operations Office Sec. Martin Andanar – patuloy ding nakakatanggap ng tulong ang Pilipinas mula sa ibang bansa gaya ng mga donasyong heavy equipment ng Japan na gagamitin sa konstruksyon.


Bukod pa rito ang financial assistance na P3.5 billion.

Nangako naman ng P100-million ang Estados Unidos sa pamamagitan ng united states agency for international development para sa pagkain ng mga bakwit at 1.8 milyong kilo ng bigas bilang dagdag-tulong.

Patuloy din sa pagsasagawa ng social services at livelihood program ang National Economic Development Authority habang nakatutok sa pagpapatayo ng mga bahay ang Housing And Urban Development Coordinating Council.

Ayon naman kay HUDCC Assistant Secretary at Task Force Bangon Marawi Field Office Manager Felix Castro – sa April 1, papayagan nilang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga bakwit para kunin ang kanilang mga gamit.

Sa ngayon nasa 1, 648 families na lang ang nananatili sa 52 evacuation centers sa region 10.

Facebook Comments