Umaasa si Senate Minority Leader Koko Pimentel na sa kanyang “turno en contra speech” laban sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill ay mahihikayat niya ang mga senador na pabor sa panukala na magbago pa ang isip.
Ngayong hapon ay nag-deliver ng kontra mensahe si Pimentel laban sa sovereign wealth fund kung saan binigyang diin nito na lahat ng pangako na ibinibigay ngayon ng MIF Bill ay posibleng hindi matuloy bagkus ay mas malaki ang panganib na mas mabaon pa tayo ng husto sa utang.
Matibay aniya ang kanyang paniniwala na ang pagtatatag ng MIF ay ‘totally unjustified’ o sadyang hindi makatwiran.
Sinabi ni Pimentel na ang nakasisiguro rito sa MIF Bill ay ang walang katapusang magagandang pangako na itataguyod ng dugo, pawis at luha mula sa buwis ng mga Pilipino.
Pinuna rin ni Pimentel na umpisa pa lang ay may error o mali na sa pagkaka-refer sa MIF Bill sa Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies dahil wala namang nabanggit sa panukala tungkol sa banking, financial institutions at sirkulasyon ng pananalapi.
Dahil tungkol sa korporasyon ang panukala, ito ay dapat na ini-refer sa Committee on Government Corporation and Public Enterprises dahil pinakasentro ng panukala ay ang pagtatatag ng isang korporasyon na Maharlika Investment Corporation (MIC).
Iginiit pa ni Pimentel na ang panukala tulad ng MIF na divisive, incomplete, at unjustified idea ay mangangailangan ng higit pa sa 12 araw, 12 linggo at 12 buwan na talakayan kung saan dapat ay makonsulta ang lahat ng mga political parties.
Bukod dito, palaisipan din sa senador kung kaninong ideya ang MIF gayong hindi ito nabanggit noong presidential campaign at kahit sa unang SONA ng pangulo.