Bansa, mas magiging bukas sa mga onerous contracts dahil sa chacha

Manila, Philippines – Nagbabala si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na posibleng maging bukas lalo ang bansa sa mga onerous contracts dahil sa charter change.

Ayon kay Gaite, posibleng maging disadvantageous para sa mga consumers at sa maliliit na sektor ang hatid na epekto ng pag-amyenda sa Konstitusyon matapos itong maaprubahan sa isang executive session sa Kamara.

Sinabi ng kongresista na dahil sa pag-aalis ng limitasyon sa foreign ownership sa mga pampublikong serbisyo ay mas lalong malalantad ang bansa sa mga kontrata o kasunduan na mas malala pa sa Maynilad at Manila Water.


Aniya, nakita naman na ang masamang epekto ng pagbubukas ng public utilities para sa business interest at mas lalo lamang sasama ang sitwasyon dahil bubuksan ito sa mas malawak na scale sa mga dayuhang negosyo.

Ilan sa mga areas na posibleng buksan sa foreign ownership ay land at natural resources, marine wealth, public utilities, mass media and advertising, at educational institutions.

Naniniwala si Gaite na pinapakagat lamang ang publiko sa pain na ang chacha ay maghahatid ng mas maraming trabaho at oportunidad pero nakasalalay naman dito ang soberenya ng bansa.

Facebook Comments