Tuguegarao City, Cagayan – Hinikayat ngayon ni Cagayan 3rd District Representative Randolph Ting ang PDEA, NBI at PNP Region 2 na magsagawa sila ng imbestigasyon upang malaman ang katotohanan.
Ito ay kaugnay sa ipinapakalat na walang pirmang sulat na nakaadress umano kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga ilang personalidad na sangkot umano sa droga kasama ang isang dating police major na taga Cagayan.
Bagamat walang direktang koneksiyon sa kongresman, sinasabi ng walang pirmang sulat na kakilala at kaugnayan umano niya ang isang pamilya ng pulitiko na nagkataon ding kontraktor sa mga ilang proyekto ng pamahalaan sa probinsiya.
Sa pakikipag-ugnayan ng RMN Cauayan News kay Congressman Ting, kanyang pinabulaanan ang bintang sa sulat na siya ay protektor ng sinumang sangkot sa droga at kanyang ibinahagi na tinawagan niya sina PNP Region 2 Regional Director Robert Guzman Quenery at PDEA Regional Director Laurefel Gabales at sinabi ng dalawang opisyal na di pa nila nakikita ang naturang “white paper” bagaman binanggit doon na napadalhan din umano ang tanggapan ng PDEA. NBI, PNP Region 2 at ng kapitolyo ng Cagayan.
Idinagdag ng kongresman na ang kapitolyo lang yata ng Cagayan ang animo’y nakatanggap ng sulat dahil ayon sa kanyang impormasyon ay maraming kopya nito ang nakikita at kumakalat sa kapitolyo.
Samantala sa panayam sa RBC Cable TV, isang local television sa Tuguegarao, ay ipinaliwanag ni Congressman Ting na paninira lamang ang pagpapakalat sa walang pirmang sulat sanhi umano ng nakikitang mga aktuwal na kapakinabangan at proyekto na naiuuwi niya kumpara sa ibang nangako na maglalagay daw ng limang tulay sa Cagayan River noong nakalipas na halalan kaya ang remedyo lamang ay siraan siya ng nangangarag at takot ngayon na pulitiko sa napapabalitang pagtakbo niyang gobernador sa 2019.
Kanya ding sinabi na wala ni isang miyembro ng kayang pamilya ang gumamit ng droga at sangkot sa kalakalan nito kumpara sa di niya pinangalanang kaanak ng isang pulitiko na nagpaputok ng baril sa isang club sa Tuguegarao na di man lang umano inimbestigahan ng kapulisan.
Sina Congressman Randy Ting na nasa panghuling termino bilang kinatawan ng 3rd District ng Cagayan at Gobernador Manuel Mamba ang usap-usapan na magtutunggali sa pagka gobernador ng Lalawigan ng Cagayan sa susunod na halalan.