Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PDRRM Officer Ret. Gen. Jimmy Rivera, paiigtingin muli ng pamahalaang panlalawigan ang pagbabantay sa mga border checkpoints para sa mga uuwing Isabelino sa probinsya.
Ito ay bilang hakbang sa pag-iwas sa pagkalat ng Omicron variant.
Nagkaroon na aniya ng pagpupulong ang naturang ahensya kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno para sa paghahanda sa posibleng pagkalat ng nakahahawang sakit sa Isabela.
Kaugnay nito, maaaring makipag-ugnayan o tumawag sa Isabela COVID-19 Command Center Hotline na 0916-281-2091 o 0968-533-9913 sakaling mayroon aniyang mga kababayan ang mapansin na may sintomas ng COVID-19.
Samantala, bukod sa ginagawang paghahanda ng PDRRMC Isabela sa omicron variant, minomonitor din ng ahensya ang posibleng pagtama ng mga bagyo sa Lalawigan.
Kumpleto naman aniya ang mga gamit para sa agarang pag-rescue sakaling tamaan muli ng kalamidad ang probinsya ngayong taon.