Banta ng PNP laban sa mga nagpapakalat ng fake news patungkol sa COVID-19, dapat sersyosohin

Hindi dapat binabalewala ng publiko ang banta ng Philippine National Police (PNP) na paghahanap sa  mga nagpapakalat ng fake news  hinggil sa COVID-19.

Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac pursigido silang mahuli ang mga nasa likod ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

Aniya matinding takot ang idinudulot sa komunidad ng mga balitang hindi totoo.


Sa ngayon, lima nang suspek na nagpapakalat ng fake news tungkol sa kinatatakutang sakit ang naaresto na ng PNP.

Kinilala ang mga itong sina Maria Diane Serrano ng Barangay Banaynay, Cabuyao City, Laguna.

Siya ay natunton ng PNP Anti-Cyber Crime Group  na nagpakalat ng impormasyon na may COVID Patient sa Global Medical Center Inc of Cabuyao” noong February 2020.

Samantalang sa Lapu-lapu City, Cebu ay inaresto at kinasuhan din sina Fritz John Menguito, Sherlyn Solis, at Mae Ann Pino.

Ito ay sa pagpapakalat din ng mga walang batayang impormasyon sa social media hinggil sa COVID-19 na nagdulot ng panic sa mga residente ng lungsod.

Bago ito una nang  naaresto ang Brgy Tanod na si Vener Cortez ng Cabanatuan City na nagpakalat din ng Fake News na  mayroon nang COVID 19 patient sa Palayan City, Nueva Ecija.

Nakakulong na ang mga ito ngayon at nahaharap sa kaso.

Facebook Comments