Nakatanggap ng samu’t-saring reaksyon mula sa mga Senador ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng martial law kung magpapatuloy ang karahasang ginagawa ng New People’s Army (NPA) sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, kung ipagpapatuloy ng npa ang pagbabanta nito at sasamantalahin ang epekto ng virus sa bansa, nasa pangulo na ang desisyon kung ipapatupad ang martial law.
Pero ayon kay Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, kailangan munang masunod ang requirements ng 1987 constitution bago magdeklara ng martial law.
Maituturing din aniyang “location-specific” ang martial law at nangangailangan pa ng review ng kongreso bago ideklara.
Samantala, kinondena ng ilang grupo ang banta ni pangulong duterte na ipatupad ang martial law.
Ayon sa makabayan bloc, huwag gawing dahilan ang COVID-19 pandemic sa pagbabanta ng martial law.
Dapat din anilang panindigan ni Pangulong Duterte ang sinabi nito na huwag samantalahin ang krisis sa bansa para ipatupad ang martial law at mamuno bilang diktador.
Giit naman ni grupong bagong alyansang makabayan (bayan) Secretary General Renato Reyes, marami pang paraan para matugunan ang problema ng bansa maliban sa pagpapatupad ng martial law.
Ginagamit na naman kasi aniyang dahilan ng pamahalaan sa kabiguan nitong tugunan ang tunay na isyu kaya dinadala sa ibang usapan ang problema.