Manila, Philippines – Tinawag ni Supreme Court Chief Justice on leave Maria Lordes Sereno na produkto ng diktaturya ang quo warranto petition na inihain laban sa kaniya ni Solicitor General Jose Calida.
Ayon kay Sereno, banta sa demokrasya ang panggigipit ng ehekutibo sa hudikatura bunsod ng quo warranto petition laban sa kaniya.
Aniya, maituturing ring deadly o nakakamatay ang quo warranto petition na sisira sa hudikatura.
Giit ni Sereno, oras na mapatunayang guilty sa kaniyang pagharap sa impeachment court ay handa naman siyang bumaba sa pwesto.
Samantala, naglabas ng print advertisement ang isang grupo na humiling sa Korte Suprema na ibasura ang quo warranto petition laban kay Sereno.
Sa dalawang pahinang print ad, tinawag ng grupo na ilegal at pagtataksil sa demokrasya ang quo warranto petition.
Nanawagan rin sila na mag-inhibit ang mga mahistradong nagsalita laban kay Sereno.
Nakapirma sa print ad ang mga mambabatas mula sa oposisyon at mga kinatawan ng simbahan, civil society group at akademya.