Hindi natatakot si Vice President Leni Robredo sa bantang impeachment complaint laban sa kanya.
Ito ay makaraang sabihin ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Atty. Manuelito Luna na posibleng mapatalsik sa puwesto ang bise presidente dahil sa pagsuporta nito sa resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC).
Sabi ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo – walang dapat ikatakot ang bise presidente dahil alam nitong wala siyang ginagawang mali.
Pinasaringan din ni Gutierrez ang opisyal ng PACC na nagpalutang ng ideya ng impeachment case laban kay Robredo.
Ayon pa kay Gutierrez – nakakalungkot ang tila pagtatakwil ng Pilipinas sa UNHRC gayong isa ang bansa sa mga pinakaunang nagtatag nito.
Sa huli, muling iginiit ng kampo ng bise presidente na dapat maging bukas ang pamahalaan sa imbestigasyon ng UNHRC at patunayang wala itong itinatago.