Manila, Philippines – Iginiit ng Malakanyang na pag-aaksaya lang ng panahon kung papatulan pa ang mga pahayag ni Sen. Antonio Trillanes.
Ito ang sagot ni Presidential Spokesman Ernesto Abella kasunod ng banta ni Trillanes na ipapa-impeach si Pangulong Rodrigo Duterte sa buwan ng Mayo.
Ayon kay Abella, kilala si Trillanes sa paggawa ng mga pahayag na ni sa guni-guni ay hindi man lang nangyari.
Kaya mas mabuting huwag na lang aniyang pansinin ang mga makukulay at kathang-isip na mga pahayag ng senador dahil may mas mahalagang bagay na pwedeng pagtuunan ng pansin para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Una rito, sinabi ni Trillanes na mayroong 12 opisyal ng gobyerno na kaalyado ng mga komunista ang gagamit ng kanilang pondo para palakasin ang puwersa ng mga rebelde para patalsikin ang Presidente.