Pinalagan ng Commission On Human Rights (CHR) ang pagbabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapa-aresto niya ang kanyang mga kritiko at sususpendihin ang Writ of Habeas Corpus oras na mapuno na siya sa pambabatikos ng mga ito.
Bukod dito, nagbanta pa ang pangulo na magdedeklara ng revolutionary government.
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann De Guia, maling gamitin ng gobyerno ang mga kritisismo sa pananakot para magdeklara ng revolutionary government sa bansa.
Sa halip na alisan ng mga karapatan, dapat umanong protektahan ng gobyerno ang mga mamamayan nito.
Kasabay nito, binigyang-diin ng CHR ang kahalagahan ng demokrasya at malayang talakayan.
Dagdag pa ni De Guia, responsibilidad ng mga mamamayang nagmamahal sa kalayaan na maging alisto sa posibleng maging epekto ng operasyon, pagmamaltrato at pang-aabuso sa kapangyarihan.