Binatikos ng mga kongresista ang pahayag ni dating Biliran Representative Glenn Chong isang prayer rally na sasampalin nito si First Lady Liza Araneta Marcos na pinagbintangan niyang nagmanipula umano ng halalan noong 2022.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin, isa itong masamang asal at pagpapakita ng mababang pagtingin sa mga kababaihan na nataon pang ginawa sa pagdiriwang ng International Women’s Month.
Sabi ni Garin, pwedeng ilatag ni Chong ang kaniyang kritisismo sa gobyerno at pwede magpahayag ng galit pero mali na magbanta itong mananakit o mananampal na hindi rin magandang halimbawa sa mga kabataang Pilipino.
Giit naman nina Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers at Surigao del Sur 2nd District Representative Johnny Pimentel, dapat humingi ng tawad si Chong kay First Lady Liza Marcos.
Diin nina Barbers at Pimentel, hindi maganda ang ginawa ni Chong at hindi ito ang nararapat na asal ng isang gentleman.