Inaabangan nalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang go signal ng Civil Aviation Authority at ng PAGASA para siya ay makaikot at bisitahin ng personal ang mga lugar na nasalanta ng bagyong Ompong.
Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, habang naghihintay ay pinatitiyak ni Pangulong Duterte sa kanyang mga gabinete na natututukan ang pinsala ng bagyo sa agrikultura, pinsala sa imprastraktura, pinsala sa kuryente at komunikasyon habang target ng Pangulo na agad na makapagsagawa ng clearing operations sa mga nasalantang lugar upang mas mabilis na makarating ang mga tulong sa mga nasalanta.
Nanawagan din naman si Go sa mga nabiktima ng bagyo na habaan ang pasensiya dahil hindi sabay-sabay na mabibigyan ng ayuda ang mga ito dahil sa lawak ng pinsala ng bagyo.
Pero tiniyak din naman ni Go na mabibigyan ang lahat ng tulong mula sa lokal at national government.
Pinag-iingat pa rin naman ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque ang publiko dahil kahit nakalabas na ng kalupaan ang bagyong Ompong ay nandyan pa rin ang epekto nito na mapanganib pa rin sa mga nakatira malapit sa waterways tulad ng mga ilog, mga bulubunduking lugar at sa tabing dagat sa Northern Luzon.