BANTAY-BIGAS | Mga bodega ng bigas na sinalakay ng NBI at NFA, ipinasasara

Iligan City – Ipapasara pansamantala ng National Food Authority (NFA) ang tatlong bodega na may naka-imbak na libu-libong sakong bigas, matapos itong salakayin ng NFA at ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Iligan City, kahapon ng hapon.

Tumambad sa mga tauhan ng NFA at ng NBI ang mahigit kumulang dalawampung libong sakong bigas ng buksan ang dalawang magkatabing bodega sa may Palao Market na pagmamay-ari ng isang Sonia Payan na taga-Cagayan de Oro City.

Wala si Payan ng dumating ang mga awtoridad.


Matapos ang pagsalakay nito, isinunod ang isa pang bodega sa kaparehong barangay na may naka-imbak rin ng mahigit kumulang tatlumpong libong sakong bigas.

Sinabi ni Abdul Jamal Dimaporo, hepe ng NBI-Iligan District Office, natanggap nila ang impormasyon na may itinagong maraming bigas sa naturang lugar kaya nila ito sinalakay.

Itinanggi ng trabahanteng si Virgilio Guimbao na nagtatago sila ng mga bigas dahil noong Biyernes pa lang umano ito dumating at ibinibenta nila ito sa kanilang mga mamimili.

Ngunit iginiit ni Sambitory Dimaporo, provincial director ng NFA-Iligan City, Lanao del Norte, na walang lisensiya ang naturang negosyo at hindi idineklara ng may-ari ang naturang bodega sa NFA kaya illegal pa rin ang estado nito.

Facebook Comments