Ikinatuwa ng grupong Bantay Bigas ang pasya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipamahagi na sa mga mahihirap ang mga nakukumpiskang smuggled na bigas.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas,mas pabor siya sa ganitong hakbang kaysa sa ibenta ito sa mga Kadiwa store gaya ng ginawa noon sa mga smuggled sugar.
Ani Estavillo, mas nabibigyan pa ng katwiran ang mga smuggler na ipagpatuloy ang kanilang gawain kung naibebenta pa sa Kadiwa ang kanilang mga puslit na produkto.
Giit ni Estavillo, dahil galing sa iligal ang pagnenegosyo ang mga kumpiskadong bigas, mas makabubuti kung ipamigay ito nang libre sa mga mahihirap.
Pabor ang grupo na pangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi nito sa mga mahihirap dahil kilala ang ahensya sa pagkakaloob ng subsidiya sa mga mahihirap.
Maari din aniya na ibigay ito sa mga opisyal ng barangay na higit na nakakaalam kung sino-sino ang mga maralita sa kanilang mga nasasakupan.
Ang pinakahuling aksyon na ginawa ng pangulo ay nagkabisa sa Tungawan, Zamboanga Sibugay kung saan ipinamahagi ang mga nakumpiskang bigas sa mga residente at local government units sa lalawigan.