BANTAY KALIKASAN SA ISABELA, PINAIGTING NG NICA REGION 02

Cauayan City — Inihayag ni Assistant Regional Director for Operations ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Rey Addatu, na mas pinaigting na ngayon ang pagbabantay ng kanilang ahensya laban sa mga posibleng environmental exploitation ng mga dayuhan, lalo na sa mga baybaying-dagat ng Isabela.

Ayon sa opisyal, may mga natatanggap silang impormasyon ukol sa mga banyagang grupo na interesado sa yamang-dagat at likas-yaman ng rehiyon, kaya’t nakatutok na ang NICA sa mas malawak na intelligence monitoring sa mga coastal areas upang maiwasan ang anumang uri ng pang-aabuso.

Dagdag pa niya, nananatili rin ang problema sa illegal logging sa mga bulubunduking bahagi ng rehiyon, na pinangangambahang lumala pa sa harap ng kasalukuyang pro-mining policy ng pamahalaan.

Ayon kay Director Addatu, bagama’t bumababa na ang banta ng insurgency sa rehiyon, lumilipat na ang atensyon ng ahensya sa mga banta sa kapaligiran at pambansang seguridad na dulot ng ganitong mga aktibidad.

Tiniyak din ng opisyal na lahat ng impormasyon ay dadaan sa masusing beripikasyon, at ang NICA ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal at pambansang ahensya para sa maayos na pagtugon at proteksyon ng likas-yaman ng Region 2.

Facebook Comments