Manila, Philippines – Hinamon ngayon ng Palasyo ng Malacañang ang mga kumukuwestiyon sa desisyon ni Makati City Regional Trial Court Branch 150 Judge Elmo Alameda na sampahan nila ito ng kaso kung nakikita nilang mali ang kanyang desisyon.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng pagkuwestiyon ni Congressman Edcel Lagman sa desisyon dahil iligal umano ang paglalabas ng warrant of arrest laban kay Senador Antonito Trillanes IV.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, kung may nakikitang mali sa paglalabas ng warrant of arrest ay mas magandang ireklamo, kuwestiyunin o magsampa ng kaso ang mga ito laban kay Judge Alameda.
Sinabi pa ni Panelo na paanong magiging iligal ang warrant of arrest ay dumaan sa pag-aaral ng hukom ang mosyon ng dalawang panig habang binigyang ng due process si Senador Trillanes.
Mas maganda aniyang hayaan nalang ang korte lalo pa at hindi naman matatawaran ang reputasyon ni Alameda na kilalang independent at hindi naiimpluwensiyahan ng sinuman.