Bagama’t naglinis na kagabi ang mga kawani ng Department of Public Services ng lungsod ng Maynila at Makati sa loob at labas ng Manila South Cemetery patuloy pa ring nadaragdan ang basura sa sementeryo kasunod ng pagbisita ng ating mga kababayan sa naturang sementeryo kasabay ng paggunita ng Undas.
Ayon kay Administrator Engr. Maribel Bueza magmula kagabi hanggang kaninang umaga ay 6 na truck na ng basura ang nahahakot sa Manila South Cemetery.
Pero hanggang sa mga oras na ito ay may mga truck pa rin ng basura na umiikot sa sementeryo para kolektahin ang mga basurang iniwan ng ating mga kababayan.
Kasunod nito umaapela si Bueza sa mga magtutungo at hahabol pa sa pagdalaw sa yumao nilang mahal sa buhay na respetuhin ang himlayan sa pamamagitan ng pagtatapon ng basura sa tamang lalagyan.
Katunayan, marami aniyang basurahan ang nakakalat sa 25 ektaryang libingan.
Samantala sa mga oras na ito ay nasa 19,426 ang crowd estimate sa Manila South Cemetery kung saan mahigpit na seguridad pa rin ang ipinatutupad.