Nagpaabot ng pasasalamat ang Barangay 28 Maypajo, Caloocan sa DZXL Radyo Trabaho sa pagbisita ng ating grupo sa kanilang barangay para magsagawa ng “Katok Bahay, Sorpresa Trabaho”.
Ayon kay Barangay 28 Kagawad Willie Dalusong, nagpapasalamat ang kanilang barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman Edgar Galgana na napili ng DZXL Radyo Trabaho ang kanilang lugar para makapagbigay ng trabaho sa kanilang mga residente.
Aniya sa pamamagitan ng DZXL Radyo Trabaho ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga kababayan nila na makapag-apply ng trabaho at magkaroon ng pagkakataon na maiangat ang kanilang pamumuhay.
Aniya, ang barangay nila ay napapabilang sa mga komunidad na nangangailangan ng trabaho kaya malaking tulong ang mga ganitong aktibidad sa kanilang barangay.
Sinabi ni Kagawad Dalusong, matapos ang pandemya ay mas naging maayos na ang kabuhayan ng kanilang mga mamamayan.
Ngayon kasi aniya ay nakakapasok na ang mga ahensya ng gobyerno sa kanilang barangay at naibababa na ang mga proyekto tulad ng pangkabuahayan na malaking tulong sa kanilang mga residente.
Naging mainit din ang pagtanggap ng mga residente ng Barangay 28 sa pamimigay natin ng flyers at pagpapaunlak ng mga katanungan ng mga residente sa paraan ng pag-i-inquire ng trabaho sa pamamagitan ng ating himpilan.