Nanawagan si Chairwoman Cynthia Llorente ng Barangay 669 sa Maynila sa mga indibidwal na nakapila sa Robinsons Mall na umuwi na lamang dahil ubos na ang kanilang stub para sa pagbabakuna.
Ayon kay Llorente, 2,500 lamang ang alokasyon ng bakuna sa bawat mall kaya hindi na nila ma-aaccomodate ang mga nakapila.
Kagabi pa lamang ay nagkakagulo na ang daan-daan katao na sumugod sa mall para magpabakuna.
Karamihan sa mga nagtungo sa mall ay hindi residente ng Maynila, ilan ay mula sa Laguna at Cavite.
Anila, nagpursige silang mabakunahan ngayong bisperas ng lockdown matapos kumalat ang balita na hindi na papayagang makalabas ng bahay ang mga hindi bakunado.
Sa pagdagsa ng mga tao sa nasabing mall, hindi na nasunod ang pinaiiral na social distancing dahil hindi na sila makontrol ng mga pulis at ng mga barangay tanod ng Barangay 669.