Isinusulong sa Kamara na ipagpaliban ang December 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Sa inihaing House Bill 10425 ni Davao Oriental Rep. Joel Almario, mula sa nakatakdang December 5, 2022 ay itinutulak niya na mailipat sa May 6, 2024 ang Barangay at SK elections.
Ang pandemic ang isa sa mga pangunahing katwiran kung bakit hinihiling na maipagpaliban muna ang nasabing halalan.
Nakasaad din sa panukala ang babala para sa mga bagong “set” ng mga lider sa 2022 na hindi umano maganda kung magsasabay-sabay ang pagpapalit na mula sa pangulo hanggang sa Sangguniang Kabataan dahil magdudulot lamang ito ng “pressure” sa pagbibigay ng mga serbisyo sa publiko.
Nakapaloob din ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mekanismo para sa “continuity” o pagpapatuloy sa mga hakbang lalo na laban sa pandemya.
Maalala na ang Barangay at SK elections ay isasagawa dapat noong May 11, 2020 pero ipinagpaliban at ginawang December 2022, salig na rin sa Republic Act 11462 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.