Manila, Philippines – Nakahanda ang Joint Task Force NCR na AFP na magbigay ng buong suporta sa Philippine National Police (PNP) para sa pagbibigay ng seguridad sa buong Metro Manila sa darating na Sangguniang Kabataan (SK) at Barangay elections.
Tiniyak ito ni JTF Commander Brig General Allan Arrojado, na nailatag na nila ng National Capital Region Police Office at concerned government agencies ang plano para sa pagpapatupad ng maayos ng halalan sa Metro Manila.
Sinabi ni Arrojado, ang NCRPO ang lead agency sa seguridad at tutukoy kung ilan ang kailangan nilang karagdagang tropa na ibibigay ng militar bilang supporting unit.
Ngayon pa lamang aniya ay kailangan nang matukoy ng NCRPO kung gaano karami ang augmentation force.
Hihiling pa aniya kasi sila sa headquarters ng kaukulang bilang ng mga sundalo.
Matatandaang sinabi ni NCRPO Chief at Incoming PNP Chief Oscar Albayalde na magdedeploy ang NCRPO ng 15,000 pulis sa mga election precincts sa Metro Manila sa darating na May 14 Barangay at SK election.