Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na sinisimulan na nila ang paghahanda para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Disyembre 5.
Ito ay sa kabila ng mga panawagan ng ilang mambabatas na suspendihin ito.
Ayon kay acting COMELEC Spokesperson Rex Laudiangco, kabilang sa mga paghahanda ay ang pagbalangkas ng mga ipapatupad na resolusyon, procurement ng mga election supplies at printing services, pagsilip sa umiiral na health protocols at pagbabalik ng voter registration.
Sinisilip naman ng COMELEC na ikasa ang pagbabalik ng voter registration sa darating na July 4.
Mababatid na sinuspinde na ng tatlong beses ang barangay election simula 2016.
Samantala, kinokonsidera rin ni House Majority leader at Leyte Representative Martin Romualdez na suspendihin muli ang naturang halalan upang mailaan sa isang stimulus package ang pondo na gagamitin ng paparating na Marcos administration.