Barangay at SK elections, hiniling na ipagpaliban pa ng isang taon

Ipinagpapaliban ng Kamara ng isa pang taon ang barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda na sa December 5, 2022.

Kaugnay dito ay naghain si Leyte Rep. Richard Gomez ng House Bill 937 upang sa December 5, 2023 na lamang isagawa ang Barangay at SK polls.

Nakasaad din sa panukala na ang mga mananalo ay uupo sa tanghali ng January 1, 2024.


Paliwanag ni Gomez, layon ng pagpapaliban sa barangay at SK elections na makapagbigay ng dagdag na pondo sa gobyerno upang magamit pa sa mga programang kailangan para labanan ang epekto ng COVID-19 pandemic.

Sakali kasing matuloy ang halalan ay P8.14 billion ang gagastusin ng pamahalaan para sa barangay election.

Ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at SK ay mananatili muna sa puwesto, maliban na lamang kung matatanggal o masususpendi hanggang sa mailuklok ang mga mananalo sa halalan.

Facebook Comments