Karagdagang pwersa ng military, idineploy sa Northern Samar kasunod nang pananambang sa mga sundalo

Nag-deploy ng karagdagang tropa ang 8th Infantry Division ng Phil. Army sa Northern Samar para tugisin ang mga responsable sa pagpapasabog ng landmine sa Barangay Magsaysay, Mapanas na ikinasugat ng 7 sundalo.

Ayon kay 8th ID at Joint Task Force Storm spokesperson Captain Ryan Layug, kasalukuyang pinapangunahan ng 3rd Infantry Battalion ang pursuit Operations.

Sinabi ni Capt. Layug na ang pag-atake ay indikasyon na tina-target ng NPA ang mga sundalo na nagsasagawa ng community support service kaya kailangang magdeploy ng karagdagang tropa para sa seguridad.


Ire-redeploy aniya sa Northern Samar ang mga unit mula sa iba’t ibang bahagi ng Region 8, na ginamit para sa seguridad ng eleksyon.

Tiniyak naman ni AFP Joint Task Force Storm at 8th Infantry Division Commander, Major General Edgardo De Leon na hindi sila titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable sa pag-atake.

Facebook Comments