Cauayan City, Isabela- Isinailalim na sa calibrated lockdown ang bahagi ng eastern side ng Bagnos Elementary School sa Brgy. Bagnos, Alicia, Isabela simula alas-5:00 ng hapon kahapon, August 30 hanggang alas-12:00 ng tanghali ng September 6, 2021.
Ito ay matapos maitala sa lugar ang kaso ng pagkamatay ng isang residente dahil sa COVID-19 Delta variant noong August 5, 2021.
Matatandaang nakapagtala ng 32 kaso ng Delta variant ang rehiyon dos kung saan 15 ang mula sa Isabela na kinabibilangan ng limang (5) kaso sa Santiago City, tig-dalawa sa mga bayan ng Aurora, Jones at San Mateo habang tig-isa naman sa mga bayan ng Tumauini, Alicia, Roxas at City of Ilagan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Joel Alejandro na kahapon lamang nila natanggap ang resulta na positibo sa virus ang pasyenteng tinamaan nito matapos isailalim sa RT-PCR test dahil sa mayroong asthma at kalaunan ay namatay rin.
Dahil sa sitwasyon, agad na pinulong ng alkalde ang Local Inter-agency Task Force upang talakayin ang hakbang na kanilang isasagawa at kalaunan ay sinimulan nila ang contact tracing.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang pasyente ng COVID-19 sa naturang barangay kung saan naitala ang kaso ng Delta variant.
Isasailalim naman sa validation process ang dalawang pasyente upang matukoy ang kondisyon ng kanilang kalusugan.