Arestado ang isang barangay captain sa Lanao del Sur sa umano’y pagbebenta ng quarantine pass sa kanyang nasasakupan sa kabila ng umiiral na paghihigpit upang pigilan ang pagkalat ng novel coronavirus.
Dinakip si Cassar Abinal, chairman ng Barangay Mantapoli sa munisipalidad ng Marantao nitong Linggo matapos na may isang magsumbong sa awtoridad sa pamamagitan ng text.
Nang matanggap ang text ng informant, agad daw nag-imbestiga ang pulisya at nakita ang nakapaskil sa barangay hall na nagsasabing P20 ang bawat isang home quarantine pass.
Una nang nilinaw ng gobyerno na libre dapat ang mga pass na ipinamimigay sa isang tao kada pamilya upang magamit sa paglabas at pamimili ng mga kailangan.
Nahaharap si Abinal sa kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at sa Revised Penal Code’s Articles 213 (2) at 214, o robbery at extortion.