Cauayan City, Isabela- Isasailalim sa total lockdown ang Barangay District 3 sa bayan ng Gamu, Isabela sa loob ng dalawang (2) linggo na magsisimula ngayong hating gabi (October 14).
Ito ang ipinag-utos ni Mayor Nestor Uy sa ilalim ng Executive order no.42 na kanyang nilagdaan.
Batay sa abiso, ito ay makaraang maitala ang dumaraming bilang ng mga nagpopositibo sa sakit sa bayan partikular sa nasabing barangay.
Ipagbabawal din ang pagpasok ng mga tao na hindi residente sa lugar maliban sa mga frontliners at mga otoridad na siyang mangangasiwa sa pagbabantay.
Sa kabila nito, papayagan ang mga pribadong establisyimento sa lugar na nagbebenta ng mga basic necessities gaya ng pagkain at gamot.
Ipinapatupad din ang liquor ban sa lugar habang umiiral ang nasabing lockdown.
Tatagal ang nasabing pagsasailalim sa lockdown hanggang October 28 ng hating gabi.
Paalala sa mga residente na ugaliin ang pagsunod sa health protocol.