*Tuguegarao City, Cagayan-* Nagsasagawa na ngayon ng malalimang pagsisiyasat ang mga kinauukulan sa bayan ng Aparri, Cagayan matapos magviral sa Social Media ang larawan ng mga opisyal ng barangay na kasalukuyang nag-iinuman sa tapat ng pansamantalang bahay pamahalaan ng Barangay Centro 14 ng nasabing bayan.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Aparri Vice Mayor Rommel Alameda, tinitignan nila ngayon ang angulo na posible umanong isang pananabotahe o frame up ang nakuhanang litrato.
Ito ay matapos mahulian ng dalawang beses ang kagawad na si Mario Caraboc na nagbebenta ng botcha o double dead na karne sa pamilihang bayan ng Aparri.
Aniya, si Kagawad Caraboc pa umano ang nagdala ng inuming alak at pulutan sa Barangay hall at hinihinalang mismong anak ni kagawad Caraboc ang kumuha ng larawan batay na rin sa pagsisiyasat na ginawa ng bise Alkalde.
Sa ngayon, hiniling ng opisyal na imbestigahan at kasuhan ng DILG ang dapat na may sala sa nasabing pangyayari.
Binigyang linaw naman ng opisyal na hindi nila hahayaan ang pangyayari dahil maging sila ay nagsasagawa na rin ng pagsisiyasat sa nasabing isyu.
Sa ngayon, nililikom na ang mga ebidensya upang makasuhan si Kagawad Caraboc sa pagbebenta nito ng double dead na karne.
Kasalukuyan naman ang imbestigasyon ng magkabilang panig sa tulong na rin ng DILG sa kadahilanang isa itong usaping pambaranggay.